Masaya ako sa pagbibigay mo ng oras sa pagpunta dito.

Inspirasyon, ito ang dapat na hindi mawala sa bawat isa sa atin. Sisikapin kong kapulutan ng inspirasyon ang bawat ibabahagi ko sa inyo.

Rendisyon. Maraming bagay ang binibigyan natin ng kulay. Kulay mula sa ating kalooban at isipan. Iba-iba tayo ng rendisyon sa buhay at karapatan natin ito. Kailangan lang na bigyan ng bukas na pang-unawa at pagrespeto. Kaakibat ng karapatang ito ay ang responsibilidad na malayang pamamahayag. Pananagutan ko ang anumang nakasulat at nakalagay dito.

Welcome and enjoy life with full of inspiration in different renditions!

Friday, November 13, 2009

1st Chapter: Si Nanay, Tatay at Ako

Nagdesisyon akong isulat ang buhay ko para sa mga taong hindi pa nakakakilala sa akin. Bahala na kung ano ang gusto nilang isipin pagkatapos ng unang chapter at ng mga susunod pang chapter ng buhay ko. Di ko alam kung paano sisimula. Siguro, simula muna ko sa aking mga magulang...

Ang nanay ko ay may pagka-lesbyana nung kabataan nya. Si tatay naman ay bagong salta sa lugar na kung saan nakilala nya ang nanay at ang kanyang sinisinta noong mga panahon na iyon. Si nanay ang naging kaibigan ni tatay at naging tulay sa panliligaw. Minsan, niyaya nitong tatay ang kanyang nililigawan na manood ng sine. Nagkataong hindi pwede at si nanay ang sumama. Ginabi sa sinehan. Palibhasa baguhan sa Maynila. Natakot umuwi si nanay. Nakitulog si nanay kina tatay. Nag-alala ng sobra ang mga magulang ni nanay. Kung kani-kanino na nagtanong. Nalaman din nila kung sino ang kasama ng kanilang anak. Sumugod sa Pasay kung saan nakatira ang tatay. Doon na nagsimula ang relasyong hindi inaasahan. Teka, walang nangyaring seks sa pagitan nila tatay at nanay. Pero dahil sa di progresibong pag-iisip at pananaw, inakala ng mga magulang ng parehong side na may nangyari at kailangang pakasalanan ang nanay. At dun na nangyari ang maagang pag-aasawa nila. Pinalabas na pareho silang nasa wastong edad. Wala silang nagawa kundi ang sumunod sa mga magulang. At doon na nagsimula ang kanilang buhay may-asawa.

Nabuntis ang nanay noong 14 anyos sya, ipinanganak ako noong 15 anyos sya. 18 years old palang ang tatay noong mga panahong iyon. Dahil sa batang edad, nahirapang manganak si nanay. Sa bahay lang ako ipinanganak, isang hilot ang nagpaanak sa nanay. Nagkaimpeksyon ako sa pusod. Bagay na kailangang isugod sa ospital. Walang permanenteng trabaho ang tatay, di rin sya kumikita ng malaki sa pagtitinda ng plastic, sponge at kung anik-anik. Matagal na naglagi ako sa ospital dahil sa kumplikasyon dulot ng di esterilisadong gunting na pinamputol ng pusod ko. Halos nag 50-50 daw ako nun sabi ng nanay. Si tatay ang sobrang nag-alaga at nagbantay sa akin sa ospital. Pagkatapos magtinda ng plastik at kung anik-anik, didiretso sya sa ospital at makikipag-usap sa mga duktor, magmamakawa na tulungan akong pagalingin at mabuhay pa. Kung anu-ano na ang ginawang pakiusap ng tatay. Wala kasi syang pambayad sa ospital at pambili ng mga niresetang gamot. Nangutang, nagtrabaho, at nagtipid. Yan ang mga ginawa ng tatay. Alam ko rin na naging mahirap para sa nanay ang ilabas ako sa mundong ibabaw. Hindi sya handa noong mga panahong nag-asawa sya. Di rin nya napaghandaan ang pag-aanak. Ginusto nya lang magbuntis para di na makawala ang tatay sa kanya. Hindi ko sya masisi. Iba ang environment na kinalakihan nya. Iba ang naging pagpapalaki at iba talaga ang sitwasyon nila sa sitwasyon na meron ako ngayon. Walang mapagtanungan tungkol sa seks at pagbubuntis. Walang suportang ibinibigay ang mga magulang. Sobrang higpit. Sobrang nakakasakal. Naranasan ko din yun nung nandun ako sa mga magulang ni nanay. Pero hindi ko ilalahad yun sa chapter na ito.

Para makalabas ng hospital, gumawa ng paraan si tatay na itakas ako. Masyadong ma-aksyon pag kinuwento ko pa. Ang bottom line, naitakas ako sa ospital sa kabila ng mahigipit na pagbabantay ng mga gwardya. Isa sa ginamit nyang istratehiya ay ang kaibiganin ang mga bantay. Ayun, naitakas ako.

Patuloy ang pagkayod ni tatay para makabili ng gamot ko at pagkain nila ni nanay. Nagmaneho ng sidecar si tatay kahit na meron syang hika. Si nanay, naman ang abala sa akin sa pag-aalaga. Hindi naging handa si nanay at tatay sa sitwasyong gaya ng pag-aasawa. Nagkaroon sila ng maraming problema sa pagsasama. At ang malaking problema nito ay ang pera. Problema rin sa pakikisama sa mga kapatid at magulang ng tatay. Hindi naging madali ang araw-araw naming buhay.

Ang kwentong ito ay mula sa mga tita at tito ko sa side ni tatay. Hindi nagbigay ng accounts ang family side ng nanay.

Thursday, November 5, 2009

Heto na naman, wala na namang kawenta-kwenta ang naiisip...

Kahapon, pagkatapos ng trabaho sa opisina ay biglang pumasok sa isip ko ang paghahagilap sa mga classmates ko nung elementary at high school. Di ko alam, parang trip ko lang... Pero oks nga at napagtripan ko dahil dun ko nalaman ang kani-kanilang mga sitwasyon. Yung kaklase ko nung elementary, si Oliver, nasa SA na. Saudi Arabia. Akala ko kung anong SA, kasi may alam akong SA na ginagamit ng mga medical people. Ito ang surgical abortion. Isang pamamaraan na mas ligtas kung nais na i-terminate ang ipinagbubuntis. Anyways, itong si Oliver ang kaklase ko na madalas tumataob sakin sa larangan ng pagsasayaw ng ballroom. Aminado ako na talo talaga ako sa kanya pagdating sa ballroom. Matalino din syang estudyante, masipag at higit sa lahat madaldal. Congrats Oliver, kung anuman ang naging trabaho mo jan sa SA ay goodluck na lang...

Sunod kong hinanap kahapon itong kaklase ko na pagkataba-taba magpahanggang ngayon. Si Sonny. Nakita ko sa facebook at may kasamang babae. Syota nya kaya yun? o asawa na? Di ko alam... Ah basta, importante mukang masaya sya sa kinalalagyan nya ngayon. Parang walang pagbabago sa katawan nya. Chubie pa rin sya. Si Sonny ang may ultimate crush kay Beverly na valedictorian namin. Di ko lang alam kung alam ni Bev na sobra ang crush nitong si Sonny sa kanya. Karibal nya sa paghanga si Mark Rudolf, ang pumapangalawa kay Bev nung wala pa si Robert. Nakita ko nga pala ng personal at hindi sa facebook si Mark. May kasamang babae, tingin ko GF nya. O baka asawa na. hehehehe... Si Robert naman ang kaklase ko na mula sa isang private school na lumipat nung grade 5 sa public school dahil sa taas siguro ng matrikula sa private. Ang gara ng bahay nila, sosyal... Di ako tiyak sa sexual orientation ni Robert nung elementary days namin. Paano ba naman eh pumipilantik din ang mga daliri. Nung highschool ko nailagay sya sa label na effeminate, o yung mga lalaking ang kilos ay mala-babae. Walang masama dito. Di nangangahulugan na sila ay bading o silahis. Isa nga itong pagbasag sa nakagawiang pagkakahon sa kasarian ng lalaki at babae.

Sinubukan ko ring hanapin ang mga classmates ko nung high school. Syempre ang una kong hinanap yung naging bestfriend ko of all my bestfriends, si Taney. Huling pagkikita namin ay sa SM Fairview. Sa Burger King. Crew/ Cashier sya dun. Si Taney ang bestfriend ko na hindi tiningnan ang pagiging mahirap o sobrang hirap namin para maging magkaibigan kami. Syempre malaking factor na naging bestfriend ko sya dahil sa panlilibre nya sakin tuwing breaktime. Palagi kasi akong walang baon o kaya ay sobrang liit ng baong binibigay sakin kahit na pinagtatrabahuan ko ang binabaon ko. Oo, naghahakot ako ng basura sa Malibay. Ito ang trabaho ng pamilya ko nung mga panahong nag-aaral ako. Mula elementary hanggang high school. Mula nang maging tatay ko ang tatay ko at mamatay sya. Tumigil sa pamamasura nung magtrabaho na ako sa isang kilusang nagtuturo ng totoong "empowerment". Imagine, kahit na iniwan na kami ng nanay ko at nag-asawa ng iba ay patuloy parin ang pamamasura naming magkakapatid para mabuhay kami sa araw araw. Pumasok akong tagahugas ng plato sa isang karenderya sa redemptorist backlaran at taga-walis sa tapat ng tindahan ng flowershop habang nag-aantay ng basura mula sa Jollibee. Teka, mga classmates ko ang topic, bakit naisusulat ko na ang sarili kong buhay. Buhay na pinaghuhugutan ng lakas at inspirasyon.

Balik tayo sa mga classmates ko. Si Mabelle ang sunod na hinanap ko sa facebook. Luckily, nakita ko sya ng walang kahirap hirap. Si mabelle ang isa sa matatalinong kaklase ko nung 1st year high school. Si Mabelle ang unang niligawan ng isa sa mga cute sa klase namin, si Jonathan. Kaya, si Jonathan ang sunod na hinanap ko sa facebook. Di ko sya nahanap kaya nagtry ako sa friendster, wala pa rin. Kaya dalangin ko na lang na di pa sya kinuha ni Lord. Lord of Badings... hehehehe... Syempre, sino pa nga ba ang sunod kong hinanap, syempre yung unang boylet na nagkumpirmang ako ay isang babaylan. Si Sydney. Nahanap ko si Syd sa facebook. Gaya ng dati, cute pa rin sya. Walang pagbabago, malaki pa rin ang mga mata at maputi parin. Ewan ko yung ugali. The last time we saw each other was in palengke. Simpleng "hi" and "hello" lang at sabay "sige". Nagmamadali siguro. Nakita rin sya ng isa sa mga tinuturing kong kapatid na si Che, nagkita sila sa isang mall kung saan pareho silang nagtatrabaho. Si Che sa isang cellphone shop at si Syd naman ay sa isang restaurant. Ganun pa rin daw sya. Hindi isnabero at cute pa rin... Ang landi ko noh... hehehehe....

Nagtry din akong hanapin si Leonardo pero di ko nahanap. Si Leonardo ang kaklase ko na anak ng isang pulis. Sya din ang may matinding crush kay Mary Jane, na nalimutan ko na ang apelyido kaya di ko mahanap sa FB at FS. Nakita ko naman si Ricardo na may kasamang girl at mukang katatapos lang makipag _ _ _ dahil sa photo profile eh parang half-naked pareho sila ng kanyang GF/Ka_ _ _ / ka-on/ asawa. Si Ric ang naging matinding pantasya nitong si Christian na magaling sa Math. Maraming naggagalingan sa klase namin nung 2nd year. May magaling magsinungaling, mag-cutting at mangopya... hehehehe... Totoo yan at alam ng lahat yan.

Nung 3rd year ako, naging bestfriend ko si Taney. May mga girls kaming naging barkada. Sina Joana, Jasmin at Javier. Si Javier ay transferee na baklush. Ang tawag namin sa grupo namin ay 5G, as in 5girls... Girls daw o, hehehehe... Palagi kaming nagbibigayan, naglilibrehan at minsan nagkokopyahan. High school nga naman... Hindi ko na alam ang nangyari sa iba, pero may ugnayan pa rin kami nila Juana at Jas. Juana ang tawag ko kay joana. Mahilig sa tinapay ang barkada. Yan ang onething in common namin.

Nung 4th year, si Karlo lang ang naging super bestfriend ko. Partner kami madalas. Magaling sya sa lettering. As in, super galing. Magaling din magdrawing at manahimik. Sobrang tahimik nito, as in... Torpe pa. Nanliligaw sa babae sa pamamagitan ng tulay. Anung klase yun??? Pero naging sila ni Mary Ann na naging palaabsent sa klase. Di ko alam kung bakit. Imagine, dahil bestfriend ko sya, sinamahan at nilibre ko pa sya sa sine. Syempre yung GF nya ang nagbayad ng sarili nyang tiket. Ganun ako magmahal ng "BESTFRIEND".

Kung mapapansin nyo, dami kong naging kaibigan. Mula pagkabata hanggang ngayon. Highschool life at buhay may-asawa. Yan kasi ang bilin ng tatay ko. "Ang kaibigan ang isa sa maituturing kong kayamanan. Kahit saan ka magpunta anak, basta marami kang kaibigan mabubuhay ka." Sabi ni Tatay. Pero dugtong ko sa tatay ko, sana buhay pa sya para marinig nya to, "Tay, kailangan mo ring piliin ang kakaibiganin mo at ituturing na tunay na kaibigan." Si tatay lahat kaibigan, kaya lahat ng nangangailangan kahit masamang bagay na ang hinihininging tulong ay go pa rin. Di ko sya masisisi. Yun ang naging form of survival nya.

Kaklase, barkada, kaibigan, bestfriend, yan ang mga di mabuburang salita sakin hanggang sa huling labas ng hininga ko mula sa baga. Dahil yan ang tanging isa sa maipagmamalaki ko. Marami akong kaklase na naging kaibigan ko.

Classmates, sana kung nasaan man kayo ngayon, hangad ko ang inyong kaligayahan at tagumpay sa buhay. Hindi ko kayo malilimutan.

Wednesday, November 4, 2009

Wala akong maisip...

Di ko alam, basta gusto ko lang magsulat. Pero ang problema, walang pumapasok sa isip ko. Ni-isang ideya walang pumapasok sa isip ko. Pano, pag nakaisip ka na saka naman may gugulo sayo. Tipong may magpapatugtog ng kanta at makaka-relate ka. Gaya ngayon, naririnig ko yung song na forevermore. Magandang kanta pero hindi kapanipaniwala. Ewan ko ba, parang hanggang ngayon eh hindi pa rin ako naniniwala sa forever na relationship. There's no forever in this life, in this world. May mga bagay na dumadating sa buhay natin na akala natin yun na. Magbubuhos ka ng oras, resources, atensyon at pagmamahal tapos bigla na lang marerelize mo na is he/she worth it? Vice versa din. O kaya kahit nasa isang relasyon ka na di pa rin na maiiwasang mahulog ang loob sa iba. Pero nasa sayo na yun kung paano mo dalhin. Maraming beses ng nangyayari yan sa maraming tao. Ang napapansin ko lang, madalas sa totoong mahal at higit na mahal nilang tao sila bumabalik. Tipong kahit na masaktan kayo pareho ay aayusin ninyo ang dapat maayos. Pupunan ang mga pagkukulang at patuloy na magmu-move on sa agos ng buhay at pag-ibig. Ahh basta, bottom line ko lang jan, relationship is not forever, pero pwedeng magtagal. Ang di ko lang tiyak ay gaano katagal ang matagal. Ahh basta, nasa magkarelasyon na yan...

Ay sus, nangungulit na naman. Iba talaga noh kapag kapamilya mo na. Kahit na malayo ka na sa kanila parang di maaalis ang kuneksyon mo sa kanila. Tutulong ka sa panahon na kailangan ka nila. Pero minsan, maiisip mo rin na ang pagtulong mo ba sa kanila ay hanggang saan. Nakakatulong ka ba talaga sa kanila o nakakadagdag ka lang ng problema dahil hindi mo sila natuturuang tumayo sa sarili nilang paa? Pero ang hindi ba pagtulong ay nangangahulugan ng karamutan? Ayaw mong maging maramot sa paningin ng iba kaya kahit na minsan kakainin mo na lang isusubo mo pa sa kanila. Pero paano kung ikaw na ang walang masubo at mangailangan sila? Paano na? Pero di pa rin, naiisip mo pa rin na mahal mo sila kaya ang huli, tutulong ka.

Bago na namang kanta ang naririnig ko, Healing. Hindi ko mawari kung para kanino tong kantang to. Pero isa sa naisip kong bigla ay ang Diyos. Tumpak, sa lyrics may "Lord I know that Your love is healing". Alam nyo, until now hindi pa rin maalis ang alinlangan kong nag-e-exist sya. Hindi dahil sa impluwensya ng mga kasama sa trabaho na itinuturing kong hindi na iba. Kapamilya at kapuso na. Kundi dahil sa mga personal na nangyari sa buhay ko. Una kong tanong, kung ang Diyos ay pag-ibig, bakit ang mga nagtuturo nitong "pag-ibig" na ito ay galit sa mga taong totoo kung umibig. Mga nasa simbahan ang tinutukoy ko. Ewan ko ba sa kanila kung bakit galit sila sa mga bading at byaning at kung aning-aning pa... Basta, bottom line ko dito, di bawal magmahal basta wala kang natatapakang iba. Pwede ka ring magmahal kung hanggang saan ang kaya mong ibigay. Pero please lang, magtira ka naman para sa sarili mo. Para kung sakaling iwan ka ng taong pinaglaanan mo ng pagmamahal ay makakatayo ka mula sa pagkakalugmok sa pagkabigo.

Marami akong gustong gawin sa buhay. Marami akong gustong matutunan. Nung nakaraang linggo, tinuloytuloy ko na yung matagal ko nang gustong gawin, ang matutong mag-DRIVE. Kumuha ako ng student permit sa LTO. Madali lang... Sobrang dali... Kung pinagplanuhan mo na ang bagay na gusto mong gawin. Kaya ako, plinano kong mabuti ang pagkuha ng permit. Yun nga lang, di ko na-plano ng mabuti kung paano ako matututong magdrive. Di pwede ang sasakyan ng opisina dahil pa sa usapin ng insurance. Alam ko na ang basics ng driving. Kaya ang desisyon ko ay mag-aral sa isang driving school na insured ako at ang sasakyang ida-drive ko. Malaki ang pasasalamat ko sa mga taong malaki ang tiwala sa kakayanan ko. Malaking tulong iyon sa pag-angat ng confidence at sariling kalagayan. Salamat Ina sa tiwala at tulong...

Naku, may naisip na ako, magandang isulat siguro ang aking sintemyento ngayong araw na ito. Ang mga naiisip ko sa mga bagay bagay gaya ng relasyon, pamilya, Diyos at pagda-drive. Pero parang naisulat ko na yata. Pero meron pa. Sulat ko na lang mamaya.